Nangingimi ang mga kamay ko nang pinilit kong abutin ang isang blankong papel at bolpen. Kasabay ng marahan ngunit siguradong paglaho ng mga segundo, pinilit kong sabayan ang marahan ngunit siguradong pagliwanag ng aking puso. 

Ito na ang huling pahina na isusulat ko para sa iyo. 

Sa iyo na akala ko ay magiging masaya ako. 

Sa iyo na akala ko ay mahal ko. 

Sa iyo na akala ko ay mahal ako. 

Hawak ang isang bagong pahina, ninais kong sumulat ng huling mensahe ko para sa iyo. Di ko nais na ito ay basahin mo, bagkus, gusto ko lang na maibsan ang anumang bigat ng kalooban na nananatili pa sa puso ko. 

Ngunit nagdaan ang isang minuto… 

Tatlumpung minuto… 

Isang oras… 

Ang bagong pahinang kubkob ng palad ko ay wala pa ring mantsa ng tinta mula sa puso ko. 

Sayang ang isang pahina. Sayang ang isang papel. 

Hindi ko na muling sasayangin pa ang isang pahina ng buhay ko para sa isang kwentong walang katiyakan, walang saysay.  Totoong ang pag-ibig ay isang sugal ngunit maging ang mga sabungero ay marunong ding tumaya. 

Pipiliin kong itago muna ang isang pahinang hawak ko. 

Pipiliin kong huwag munang itaya ito. 

Hindi ko alam ngunit mas madali sa akin ngayon na magdamot ng tinta mula sa aking puso at isipan. Sapagkat ngayon ay alam ko na…

Anupaman ang mangyari, mamantsahan at kukulayan rin ng tinta ng puso ko ang pahinang ito. Panahon lang ang magtatakda… 

Ngunit pag nagkataon, naniniwala akong may kasabay na akong sumulat dito. 

Ikaw. 

Ikaw na naglagak rin ng kanyang sariling tinta para sa isang bagong pahina. 

Ikaw na nag-ipon ng tinta para sa isang bagong simula. 

Ikaw na nagtabi ng tinta, sa paniniwalang may bagong pahina.

Dahan-dahan kong itinago ang isang pahina sa aking bibliya. Sa tamang panahon, ang pahinang ito ang magsisilbing kanlungan ng isang napakagandang kwento. 

Hihintayin kita. 

(Kaloy) 

Advertisements