ANG PAGPATAK NG IKAPITONG LUHA

Isinulat noong January 31, 2011 at 11:15am

 

Isang dugtungang tula mula sa kaibuturan ng naghihinagpis na puso nina Katherine Alvarez Castro at Anacita Cavero Sierra

Ako’y nakaramdam ng kakaibang damdamin
At sa aking pakiwari’y mahirap supilin
Bakit ba ito’y di kayang pigilin?
At sa aking puso’y kumurot ng mariin.

Ano bang meron ka at ako’y nabulag?
Tila ba puso ko’y iyo ng nabihag.
Ano bang meron ka at ako’y nahulog?
At para bang ang mundo’y sayo lamang umiinog.

Mali ba na ako ay umasa?
At pag ibig mo’y abuting parang tala.
At kung pag sinta ko ay isang sala,
Ang nais ko’y wag nang maging tama!

Ako ngayo’y nasa iyong harapan
Humihiling na ako man lang ay sulyapan
O ako ba’y manantiling hangin?
Magdaraan at lilipas ng di mo napapansin?

Sadya bang sa puso mo’y wala akong puwang?
At ang pagsintang ito’y walang patutunguhan?
Oh kay pait nitong pag ibig na nasaksihan
Salungat sa turo ni Inay no’ng akoy wala pang muwang.

Ani Inay “ang pagsinta kung wagas,
Iaalay lahat ng dunong at lakas”
Kaniya pa saki’y pinanigbuho,
Ang pag ibig kaylanman di maaring ituro.

Sapagkat ang puso’y di kayang turuan
Kung iba ang sigaw at siyang nilalaman
Ang pag ibig ay kusang nararamdaman,
Akoy nagsusumamo, pag ibig mo’y nasaan?

Hiyaw ko ba’y walang tinig?
At pagsintang ito’y hindi mo madinig?
Pitong beses man aking buhay ay masawi,
Ikapitong ulit mang ika’y pagsinta kong lagi.

At sakaling ang puso’y mapagod sa panahon
Pag ibig na dalisay isasama kong ibaon
Alaala ang sakit at pait ng kahapon
Dala ng pagsinta kong walang tugon.

Uurin man ang laman at buto’y malusaw na,
Puntod may punlaan ng damo at luha
Sa pag ibig ko, kamataya’y di tanikala,
Iyan ang sumpa ko sa ating Bathala.

Advertisements