Nais kong maging masaya.

Nais kong lumipad na malaya gaya ng mga ibon sa langit na tinatanaw ko sa kalayuan. Nais kong maabot ang buwan at iwan ang bakas ng aking mga paa doon. Nais kong maging mahalaga.

 

Nais kong maging masaya.

Nais kong maging malaya gaya ng tubig sa dagat na walang humpay ang pag-anod. Nais kong maabot ang mga bituin at silayan ang totoong ningning nito. Nais kong maging mahalaga.

 

Hanggang saan nga ba ang pagkirot ng isang malalim na sugat? Ito ba ay sa paglinis at paglanggas? Ito ba ay maghihilom sa labas ngunit mag-iiwan ng malalim na pilat? Paano lulunasan ang sugat na nakatanim pa ang pako sa loob?

 

Hanggang saan nga ba ang pagitan ng “pag-asa” at pagsuko sa “Tama na”? Ito ba ay sa unti-unting paghakbang papalayo? Ito ba ay nasusukat sa dami ng pangako at luhang naipon? Hanggang kailan kikirot ang isang pusong nagtangi ngunit di pinili?

 

Nais kong maging masaya.

Nais kong nakawin ang sikat ng araw at itago ito sa aking bulsa. Nais kong maging matapang na labanan ang mga ingay na naghuhumiyaw sa aking tenga na “wala kang kwenta.” Nais kong maging mahalaga.

 

Nais kong maging masaya.

Nais kong iwaksi ang dilim sa puso ko na nagpapakitid ng pag-inog ng aking mundo. Nais kong basagin ang mga pader na nagkukulong sa aking milagro. Nais kong maging malaya.

 

Nais kong maging masaya.

Nais kong ibalik ang ngiti sa aking labi na nalimot na ang pagtawa. Nais kong buuin ang puso ko at maniwalang muli sa isang pangarap.

 

Nais kong maging masaya.

Nais kong alalahanin ang pakiramdam nang piliin sa pagitan ng hitik na pagtangi. Nais kong ialay nang buo ang pagsinta ko at manalig sa totoong Pag-ibig.

 

Nais kong maging masaya.

 

Nais ko.

Advertisements