Kung sakaling ikaw ay nasa aking harapan

At sakaling may lakas ng loob akong ikaw ay hagkan

Nais kong malaman mo ang laman ng puso ko

At maintindihan mo ang mga titik sa aking kwento

 

Hindi ko alam paano uumpisahan

Ang isang bagay na ‘di naman nasimulan

Pilit kong inaalala kung kailan nga ba

Para malaman ko kung hanggang saan pa

 

“Kamusta ka na?

Kumain ka na ba?

Ipagluluto sana kita”

Pero sabi mo ay busog ka na

 

Naalala ko nung sinabi mo sa akin ang iyong pangarap

Kayganda at kaylawak, ‘di abot ng aking hinagap

Pagkat alam kong aabutin mo ang pangarap mo

Ngunit maiiwan akong naghihintay sa iyo

 

Hindi ko na mabilang kung ilang letra na ang ginugol ko para sa iyo

Para lamang masabi ko ang nararamdaman ko

Mga salitang ‘di ko nabigkas habang kasama ka

Pagkat sa puso mo, alam kong merong “siya”

 

Nais kong ubusin ang mga nalalabing titik

Na naiwan at itinago sa aking isip

Ibinaon ko lamang upang maitago

Ngunit ako’y minumulto sa aking pagtatago

 

Akala ko mas madaling limutin

Ang pagsinta kung di na sasabihin

Ngunit ang mga itinagong titik

Ay lalabas hangga’t hindi nasasambit

 

“Oo, sobrang gusto kita

Mahal kita ngunit masakit na

Ayaw ko mang makita kang kasama siya

Walang magagawa kundi magparaya na”

 

“Sapagkat alam kong sandali man ay napansin mo

Ang pagtangi ko sa isang tulad mo

Hindi nga lamang maibabalik nang buo

Hatiin man, ang puso ay di mapupuno”

 

Uubusin ko ang lahat ng titik na itinabi ko para sa’yo

Dahil bawat letrang naiwan ay nagdurugo ngayon

Sa bawat patak na umaagos mula sa tinta ng puso

Ay isang lason na pumapatay sa pag-ibig ko

 

Nais kitang alalahanin sa katangi-tanging paraan

Nang ang pagtangi ko ay di masayang

Mga letra na lamang ang kayang pumasan

Sa bigat ng pusong naghihinayang

 

“Minahal kita.”

Ngunit ang mga titik ko ay ubos na

Ibinuhos ko na

Para wala nang babalikan pa

Advertisements