Sisimulan ko ang aking kwento

Sa umpisa ng apat na taon,

Noong ako ay nangarap at nagdasal

Sa Diyos na nais ko

Ang isang tulad mo

Sa buhay ko.

Naaalala ko pa noong ako ay humingi

Sa Diyos para sa iyong mga katangian

Di ko alam kung isang katuparan ba

O sadyang pagkakataon lamang

Na dumating

Ang isang tulad mo

Sa buhay ko.

Naaalala ko pa ang kaba noong ako ay nagpaanod

Sa aking damdamin

Nang makita ko kung gaano kaganda

At gaanong namumukod-tangi

Ang iyong puso.

Naaalala ko pa kung gaano kasaya

Ang makilala ang katauhan mo

Sa isang kaibigan

Na laging nandyan

Para sa akin.

Naaalala ko rin lahat ng tawa at kwento

Na pinagsaluhan natin noon

Sa tuwing magkasama

O anong saya natin

O anong galak ko.

Naaalala ko rin ang mga panahong

Balikat mo ang naging sandalan ko

Kakampi kita laban sa mga pangil ng mundo

Umiyak ka noong umiyak ako

Nandoon ka

Noong lumuluha ako.

Naaalala ko noong sabay tayo

Nangarap para sa mga bituin

Lalakbayin at lilipulin ang mga bagong layunin

Nang magkasama

Kahit nakakatakot

At hindi tayo sigurado.

Naaalala ko lahat ng alaala 

Mula sa unang ngiti at sulyap

Ng unang taon

Na minahal kita

Mula sa malayo.

Naaalala ko ang unang pagkakataon

Na nakaramdam ng pait itong puso

Nakita kang masaya sa iba

Mali ako

Para maramdaman ito

Pero pumunit ito 

Sa aking puso.

Naaalala ko noong pinili ko

Ang lumayo sa iyo

Kahit ayaw ko

Dahil ang tanging alam ko lang

Ang mahalin ka

Mula sa malayo.

Naaalala ko noong araw na lumapit ka

At nagtataka kung bakit ako nawala

Hinanap ako na matalik na kaibigan

Nandoon ako

Sa ilalim ng dagat

Malayo sa iyo

At sa lihim ng puso ko.

Naaalala ko noong gabing nalaman mo

Ang pagtangi ko

Na kaibigan mo

Nabasag ang basong hawak ko

Kasama ang lihim kong

Pag-ibig mula sa malayo.

Naaalala ko ang mga sinabi mo sa akin

Kung gaano kaganda ang aking damdamin

Na hindi mo maintindihan bakit ako lumayo

Ngunit di ka rin naman handang

Lumipad kasama ko.

Naaalala ko noong gabing sinabi mo

Na iasa natin sa panahon at tadhana

Kung may pag-asa ang paglipad

Nating dalawa

Patungo sa bituin ng pag-ibig.

Naaalala ko noong sinabi mong maghintay tayo

Malay natin

Baka sakaling

Sa bandang huli

Ay tumibok na nang sabay

Ang ating mga puso.

Naaalala ko ang pagsandal ko sa sinabi mo

Ng akala kong pag-asang

Sinumpaan nating dalawa

Noong ikalawang taon

Na minahal kita

Sa di na kalayuan.

Naaalala ko ang lahat ng lumipas na saya

Mga sandali na masaya ako

Kasama ka

Malay natin

Baka sakaling

Ito na ang araw na sasabihin mo rin

“Lumipad na tayo.”

Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras

Linggo, buwan at taon

Sa paghihintay sa iyo

Malay natin

Baka sakaling

Nakita mo na rin

Ang mga nakita ko.

Tatlong taon na rin at naroon pa rin

Itong damdamin at pag-asa

Na baka naman

Kailangan mo lang ng oras o espasyo

Para malaman mo

Ang halaga ko

Sa buhay mo.

Naaalala ko ang mga panahong

Gusto ko nang sumuko

Dahil hindi naman ako sigurado

Pero naisip kong

Sumugal na ako

At puso ko ang itinaya ko.

Hindi ko na mabawi ang taya ko

Kaya kahit hindi ko alam kung magwawagi

Naghintay pa rin ako

Dahil naiisip ko 

Kung gaano kasaya naman

Ang premyo ko.

Sa halos lampas tatlong taon

Ng aking matiyagang paghihintay

Di ko namalayan

Na unti unting

Namamatay ang masayang ako

Namamatay ang puso ko.

Madilim ang mundo

Wala akong makita

Kundi ang mga anino ng alaala

Ng sana at hanggang kailan pa

Nakakasakal

Gusto kong lumaya na.

Isang gabi, nagyaya kang mag-usap

Tayong dalawa lang

Akala ko ito na ang araw

Na pinakahihintay ko

Pero bakit hindi na masaya

Ang tibok ng puso ko.

Tinanong mo kung bakit dumilim ang mundo ko

Hindi ko alam ang isasagot ko

Tinanong mo kung ikaw pa rin ba ang dahilan nito

Gaya ng pagsuyo mo sa akin

Noong lumayo ako nung una

Sabi ko ay oo.

Hindi ko makakalimutan ang mga sinabi mo

Nang sabihin mo na hindi mo alam 

Na naghintay ako

At umasa sa sinabi mo noon

Na malay natin

Baka sakali

“Lumipad na tayo.”

Sinabi mong karapat-dapat ako

Para sa pagmamahal na susuklian ako

Sinabi mong hindi ka karapat-dapat

Para sa mga luha ng mata ko

Gabi-gabi

Bago ako matulog.

Naaalala ko noong mga panahong

Sabay tayo nangangarap at naniniwala

Pero ngayon ay sinasabi mo sa akin

Na iwaksi na ang pangarap at pag-asa

Dahil wala na

Akong hinihintay.

Gusto kitang sampalin sa sinabi mo

Dahil nagdugo ang isang hilatsa ng puso ko

Humingi ka ng tawad

Para sa mga ginawa mo

At inamin mong noon

Ay nagbigay ka ng di siguradong pangako

Malay natin

Baka sakali.

Ngayon ay hindi ko alam kung paano tatapusin

Itong apat na taon

Na nalinlang ang puso ko

At paano babangon

Mula sa pangil ng pag-ibig.

Naaalala ko ang mga panahong

Ikaw ang sandalan ko

Habang umiiyak ako

Ngunit ngayon ako ay lumuluha

Sa harap mo

Pero hindi mo na ito pinupunasan.

Hindi ko alam kung saan ako dadapo

Mula sa matagal na paglipad

Sa ere ng pagmamahal

Sa pag-abot sa mga tala

Na mag-isa

Nakakapagod pala.

Hindi ko alam paano wawakasan ang apat na taon

Gaya ng pagtapos ko sa tulang ito

Ang alam ko lang

Ay sisimulan kong muli ang buhay ko

Sa simula ng bagong taon

Sa dulo ng apat na taon.

Advertisements