Nandito muli ako

Sa lilim ng isang misteryo

Na nagkukubli sa mundo ko

Patuloy sa paglakad

Hakbang nang hakbang

Kahit walang nakikita

Hanggang saan, hanggang kailan

Maglalakbay sa karimlan

Ng mundong puno ng pagtangis

Di ko maintindihan

Ang mga anino

Na laging nakasunod

Tumakbo ako

Hinanap ko

Ngunit bulag ako

Gumapang ako

Minumulat ang paningin

Nang mamasdan ang mundo

Nais ko, nais ko

Lumaya na dito

Sa kulungan ng sarili ko

Hinahanap ko

Saan matatagpuan

Liwanag sa karimlan

Sumisigaw

Nagsusumamo

Hilahin nyo ako

Nalulunod ako

Wala nang hininga

Napapagod na ako

**************

Noong simula ay nariyan Ka na

Noong wala pang langit

Wala pang lupa

Nariyan Ka na

Noong dilim pa lamang

Ang laman ng mundo
Kumilos Ka

Naisip ako

Na humihingi ng ningning

Hinahanap ko

Saan matatagpuan

Liwanag sa karimlan

Pusikit man ang dilim

At wala nang pag-asa

Mabalot man ang mundo ko

Ng pagtangis 

At pagluha

Sundan man ako

Ng maraming anino

Ng pait at wakas

Naroon Ka na

Noon pa

Doon sa simula

Noong araw na wala pang araw

At sinabi mong

“Magkaroon ng liwanag”

Bakit ko hahanapin 

Ang akala ko ay wala

Bakit ko hahanapin

Ang hindi ko nakikita

Kung Ikaw lamang pala

Ang nagbigay ng liwanag

Doon pa lamang sa simula

Hinanap ko

At nasumpungan Kita

Liwanag sa karimlan

Advertisements