“Happy Endings are Stories that Haven’t Ended Yet” in oil pastels 03/06/2017

Minsan ko nang naisip
Kung ano ang pakiramdam
Ng maging malaya
At di nakakubli 
Sa mga rehas
Ng takot at pangamba —
Tulad ba ito ng pagakyat ko
Sa mga kabundukan
Nakakatakot ngunit susubukan
Di alintana
Ang pagod at hirap
Makamtan lamang ang ganda
Ng isang paraiso
Sa piling Mo —
O ang pagiging malaya ba
Ay animo pagtalon mula sa bangin
Patungo sa bughaw 
At malalim na karagatan
Makapigil hininga
Nakakatakot
Subalit di alintana
Maramdaman lamang
Ang yakap ng dagat
At hampas ng mga alon
Gaya ng tindi
Ng pag-ibig Mo —
Pangarap kong abutin
Ang mga bituin
At maranasang tapakan
Ang sinag ng araw
Nang di nangingimi
Kung kaya bang yapusin
Ng mga ulap
Ang bigat
Ng ating pagmamahalan —
Nais kong lumipad
Na walang takot
Gaya ng mga ibon
Sa himpapawid
Buo ang tiwala
Sa kanilang mga pakpak
Na di sila kailanma’y
Bibiguin ng kanilang mga layon —
Nais kong maging isang ibon
Malaya
At walang takot na sumasakay
Sa hangin ng Iyong pagibig —
Hampasin man ng habagat
O ng alimpuyo ng amihan
Ay di matitinag
Sa aking paglipad
Dahil alam ko
At sigurado ako
Sa hangin ng pag-irog Mo
Na magdadala sa akin
Sa piling Mo —
Pangarap kong magmahal
Nang walang takot
Sa puso
At maging sigurado
Sa isang pag-ibig
Na kailanma’y 
Di magmamaliw —
Salamat
Dahil dumating Ka
Hesus
At minahal ako
Nang walang takot
At pag-iimbot
Inakay ako na gaya ng ibon
Sa himpapawid
Dinuyan ako sa hangin
Ng Iyong pagmamahal
Inakay ako 
Sa tuktok ng Iyong paraiso —
Salamat
Dahil sa pag-ibig Mo
Na walang takot
Tinuturuan mo ako
Na magmahal 
Ng buo
Wagas
Dalisay
At walang takot —
Lilipad ako sa himpapawid
At magtitiwala
Sa hangin
Na aakay sa akin
Patungo sa piling Mo
Wala na akong takot —

Advertisements