Nandito pa rin ako
Sa sulok
Ng ating dating tagpuan
Kung saan kita
Unang minahal
At nahayag sa akin
Ang laman
Ng iyong puso

Masaya ako
Kapag kausap ka
Di mawaksi
Sa isip
Ang mga bagay
Na nagpapangiti sa iyo
At maging
Ang mga mas malalim
Na batis
Ng iyong puso
Mga bagay
Na nagpalumbay sa iyo
O mga naging dahilan
Ng pagpatak ng luha mo

Batid ko
Naging masaya ka
Hangad ko
Ang kasiyahan mo

Humakbang ako
Nang dalawang ulit
Pabalik
Mula sa iyo
Sapagkat
Natakot ako
Sa saya na dulot mo

Humakbang ako
Nang dalawang ulit
Mula sa iyo
Dahil ang hangad ko
Ay piliin mo ako

Piliin mo ako
At sabihin mong
Ako ang gusto mo

Piliin mo ako
Hindi dahil
Nakita mo ang nakaraan
Sa aking mga mata

Piliin mo ako
Hindi dahil
Natatakot ka lang
Na mag-isa

Piliin mo ako
Nang walang takot
At pag-aalinlangan

Piliin mo ako
Dahil binigyan ko ng kulay
Ang madilim mong mundo

Piliin mo ako
Dahil gusto mo ako

Piliin mo ako
Dahil mahal mo ako

Piliin mo ako

Advertisements