PhotoGrid_1490195683690

Hindi ko maiwasang maisip ka
Sa tuwing makikita ko
Ang mga pusong nagsusuyuan
Sa paligid, sa parke, kahit saan

Hindi ko maiwasang maalala ka
Tuwing masasambit nila
Ang mga salitang
“Mahal kita”

Kaytagal na nga
Na hindi nagkita
Kaylawak na nga
Ng ating distansya

Nakikita kita
Sa mga puting ulap
Na nakalatag sa bughaw na langit
Kaygaan sa puso

Nakikita kita
Sa mga wagas na ngiti
Ng mga estranghero sa daan
Pamilyar

Nakikita kita
Sa bawat pagsikat
At paglubog ng araw
Nakagagalak

Naririnig ko
Ang mga tawa mo
Sa mga huni ng ibon
Sa tahimik na umaga

Naririnig ko
Ang tibok ng puso mo
Sa mga paboritong kanta
Na inalay ko sa iyo

Naririnig ko
Ang ganda ng tinig mo
Isang musika sa pandinig
Daig pa ang ibong adarna

Kaya ito ang pangako ko
Na maghihintay ako
Na makita ka
Sa wakas

Maghihintay ako
Na masilayan ang ngiti mo
Marinig ang mga tawa mo
Mahimlay sa tinig mo

Habang wala ka pa
Maniniwala ako sa pagdating mo
Hanggang merong mga puso
Na nagsusuyuan dito sa mundo

Habang wala ka pa
Maniniwala ako sa pagdating mo
Hanggang naririnig ko pa rin
Ang mga salitang, “Mahal kita”

Habang wala ka pa
Maniniwala ako
Na hindi hadlang ang oras at distansya
Dahil siguradong darating ka

Habang wala ka pa
Patuloy kong titingalain ang langit
At ngingiti sa mga puting ulap
Dahil siguradong darating ka

Habang wala ka pa
Itatago ko sa aking puso
Ang mga ngiti ng mundo
Dahil sigurado akong darating ka

Habang wala ka pa
Hindi matatapos ang galak ko
Habang binubusog ang mga mata
Sa mga kulay ng araw

Habang wala ka pa
Sasabayan ko ng halakhak
Ang paghuni ng mga ibon
Iisiping iyon ay mga tawa mo

Habang wala ka pa
Patuloy akong gagawa ng musika
Sa pagasang maririnig mo ito
Dahil siguradong darating ka

Kaya’t habang wala ka pa
Magiging buo akong tao
Sa pagmamahal ng Diyos
Dahil siguradong darating ka

Ito ay isang tula, awit, liriko
Na isinulat ko para sa iyo
Sa lalaking hinihintay ko
Habang wala ka pa

Advertisements