Ito na yata ang isa sa mga tanong na paulit-ulit kong pinipilit sagutin at hanapan ng sagot. Kasabay ng mga iba pang tanong gaya ng:

Lahat ba ng nagmamahal ay nasasaktan? Kapag nasaktan ka ba, ibig sabihin ay nagmahal ka?*Eugene Domingo in Ang Babae sa Septic Tank 2*

Paano nga ba ang magmahal? Palagi bang nasasaktan?*to the tune of Sarah G.’s song*

Minsan, napapagod na nga akong isipin ang mga tanong na ito. Dahil kahit gaano katagal ko mang pagbali-baliktarin ang sitwasyon, totoong sa parehong proseso rin babalik ang lahat ng bagay.

Napatunayan ko na sa buhay, lalo na sa pag-ibig, kadalasan ay kailangan mo munang masaktan ng todo bago ka magsimulang makapasok sa estado ng totoong paghilom ng wasak na puso.

Gusto mong patunayan ko ito sa’yo? Hayaan mong ikwento ko ang bahagi ng aking masalimuot na kwento.

Bottomline: Nagmahal ako ng isang tao na hindi naman ako minahal. Umasa sa walang patutunguhan, naghintay sa walang kasiguruhan. Magiging madali sana lahat kung sa simula pa lang ay itinigil ko na ito, pero sino ba ang madalas na nagwawagi sa laban ng isip at puso? Umabot ang one-sided love story na ito nang 4 na taon.

Kung ipapasukat mo sa akin kung gaano kasakit ang magmahal at hindi mahalin, baka abutin tayo ng umaga sa EDSA. Saan nga ba ako nasaktan doon? Nasaktan ba ako dahil hindi nya ako pinili? Nasaktan ba ako dahil pinaghintay nya ako sa wala? Nasaktan ba ako dahil umasa ako sa mga salitang balang araw? Pero noong binalikan ko ang lahat ng nangyari sa akin, nagulat ako nang mapagtanto ko na ang pinakanakasakit sa akin ay ang aking sarili — mga sariling inaasahan, mga di natupad na expectations. Nakakatawa ngang isipin ngayon, na sa ilang taon, buwan, linggo at araw na nabasa ng mga luha ang aking unan, karamihan pala sa mga laksang luhang ito ay ako rin ang dahilan.

Totoo ito. Siguro kung noon ko pa isinulat ito, malamang ay lahat ng sakit at kirot ng puso ko ay isisisi ko sa kanya. Kasalanan mo ito, kasalanan mo iyan. Hindi natapos ang problema. Pero, hindi ba na mas maraming bagay sa nakalipas ang dapat sana ay hawak ko. Hawak ko ang sarili kong mga mithiin, pag-asa at emosyon. Nasaktan ako dahil pinili ko ring masaktan. Tanga, di ba? Subalit, kung ipauulit man sa akin ng Diyos ang parteng ito ng buhay ko, siguro ay ganoon ulit ang gagawin ko. Mamahalin ko pa rin siya. Yun na ata ang isang parte ng puso ko na hindi ko babaguhin. Hindi ko pinagsisisihan yun. Siguro ang uulitin ko ay kung paano ko aalagaan ang aking sarili habang nagmamahal.

Maraming ulit sa loob ng 4 na taon na akala ko ay nakabangon na ako. Akala ko ay naghilom na ang puso ko. Iyon pala ay sa tagal na nabugbog ang puso ko sa mga nangyayari ay unti-unti lang akong nasasanay mamuhay kasama ang sakit. Nasanay ang mga mata kong umiiyak. Nasanay na akong nasasaktan. Nasanay lang pala akong hindi minamahal. Nakalimutan ko ang sarili ko. Namanhid lang ako. Kaya iyong akala kong wala na ang sakit, ang puso ko pala ay namanhid lamang sa paglipas ng panahon. Wala na akong maramdaman.

Pero sabi nga, kung may nais kang makamtan, dumaan ka sa proseso. Sa aking pagtahak sa dulo ng apat na taon at sa pagtahak ko ng bagong taon, napatunayan kong hindi ito isang madaling proseso. Sa kalyeng pinili ko patungo sa pagbuong muli ng aking sarili at puso, hindi pala talaga maiiwasang lumuha ka, masaktan muli at panghinaan ng loob. Sabi ko nga, nakakapagod palang umahon. Alam mo yung pakiramdam na umakyat ka ng bundok at sobrang malapit ka na sa tuktok pero napakatarik ng daan at nangangatog na ang mga tuhod mo? Ganun ang pakiramdam ko. Maraming beses akong nagtangka na manatili na lang dito, tutal, naging mas komportable na ako sa sakit. Mukhang mas madaling manatili sa kinalalagyan ko kaysa ang humakbang pa ulit papunta sa tuktok.

2017-03-29 09.45.26 1.jpg

Pero habang mas nananatili ako dito, mas lalong namamatay ang aking sarili. Napagtanto ko na hindi lang sarili ko ang pinatay ko kundi ang kinabukasan ko. Nawala ang masayang ako. Nawalan ako ng paniniwala sa salitang pag-ibig. Nawalan ako ng tiwala sa mga salitang paghihintay at mahal kita. Mas masakit pa ito sa apat na taon kong ininda. Pigang piga na ako. Kung ipapakita ko siguro sa iyo ang hitsura ng puso ko, ito ay parang isang pulang laman na maraming nakatarak na kinakalawang na pako. Bawat pako ay sumisimbolo sa bawat masakit na salita at gawa na hinayaan kong bumaon sa puso ko. Ang ibang sugat ay nagdurugo pa. Ang iba naman ay parang tuyo na sa labas.

Ngunit hangga’t ang mga lumang pakong ito ay nakatanim pa rin sa puso ko, hinding hindi ako maghihilom.

Kaya, ito ang sagot sa tanong ko sa simula pa lang. Bakit minsan ay kailangan mo munang masaktan nang sobra sobra bago tuluyang maghilom ang iyong puso? Dahil ang totoong daan papunta sa paghilom ay ang pagharap nang matapang sa bawat nakasakit sa iyo at pagwaksi mo sa kontrol nila sa buhay mo. Ang tunay na daan patungo sa paghilom ng isang pusong sugatan ay ang matapang na pagharap dito at pagbunot isa-isa ng mga nangangalawang na pako. Bawat pagbunot ay mangangahulugan ng muling pagdugo nito ngunit mas magiging mas mabilis ang pagsara ng mga sugat.

2017-03-30 07.14.05 1.jpg

Hindi ko pa masasabi ngayon na nabunot ko na lahat ng pako mula sa puso ko. Aaminin kong may mga araw pa rin na natatakot ako. Minsan ay nanginginig ang mga kamay ko habang dahan dahang binubunot ang mga pako. Pero dadating ako doon sa puntong maaalis na sila lahat. Maiiwang nagdurugo pa rin ang puso ko ngunit huhugasan ko ito ng luha at panalangin. Sa takdang panahon, ang mga sugat na ito ay maghihilom na ng tuluyan. At hindi ko na makikita ang mga bakas ng sugat ng apat na taon.

Malaya na ako.

Nasasabik na ako. 😊

Advertisements