Hinahanap kita —
Sa mukha ng bawat lalaking makilala ko 
Hindi dahil dapat kitang hanapin
Kundi dahil minsan ay naiinip na ako
Kaya patawarin mo ako, mahal ko
Sa puso kong hindi tapat ngayon
Patawarin mo ako, mahal ko
Kung naibigay ko ang ilang bahagi
Ng puso ko
Sa bawat lalaking nagpatibok nito

Pinasasalamatan kita —
Dahil ngayon pa lang
Alam kong minamahal mo na ako
Binabalot ako ng mga panalangin mo
Niyayakap ako ng paghihintay mo
Nililigawan ako ng pagsunod mo sa Diyos
Salamat, mahal ko
Dahil tatakpan ng pag-ibig mo
Ang lahat ng mali at takot ko

Umaasa ako —
Na habang lumilipas ang mga oras
Habang papalapit ang araw
Na masisilayan ko ang iyong ngiti
At mahahagkan ang iyong mga bisig
Na magiging mas mapagmahal ako sa’yo
Sa pamamagitan ng mga panalangin ko

“Wildflowers” (Banawe, Feb 2017)

Sigurado akong ikaw na nga 
Ang lalaking kaharap ko
Dahil sasabihin mo ito
Na ako ang hinintay mo
Ipinanalangin sa Diyos
Malalaman kong ikaw na nga
Dahil mawawala na ang lahat
Tanong
Takot
Agam-agam
Makakasiguro akong ikaw na nga
Pagkat ibubulong ito sa pareho nating mga tenga
Ibubulong ng Diyos na Lumikha ng pag-ibig:

“Anak, huwag ka nang matakot

Dahil kayo ay biyaya ko sa isa’t-isa.”

Kaya’t kapag dumating ang araw na iyon
Tiyak na hawak mo na ang puso ko
Pati ang mga kamay ko
Habang nakatanaw tayo
Sa paglubog at pagsikat ng araw
Sigurado akong ikaw na nga
Hindi ka na hahanapin pa sa mukha ng iba
Dahil ikaw lang
Wala ng iba pa

Advertisements