Kalong ang isang papel at panulat
Hinihintay ang pagbalong ng mga salita
Hinihintay na makabuo muli ng pyesa
Ngunit ni isang salita’y wala

Sa bawat pagpikit nitong mata
Sa pangangarap ng tamang tugma
Maya’t maya kang dumadaplis sa isip
At nangingiti pag naaalala ka

Kung kaya naman mahal ko
Sasalubungin kita
Ng dasal at mga tula
Hanggang dumating ka

Antipolo, Rizal, Dec 2016

Ilang libong salita man ang maisulat para sa iyo
Mananatiling isa lang ang pag-ibig ko
Ikaw at ikaw lang iyon
Hinihintay pa rin kita

Suutin mo bilang kwintas ang aking mga tula
At gawing korona ang aking mga dasal
Dahil hanggang wala ka pa
Patuloy lang akong susulatan ka

Advertisements