Lumilipad ang isip ko
Sa mga tanong na umiindayog
Sa puso kong nagaalinlangan
Kung mananatili pa ba
O mananakbo na
Habang may oras —
Habang maaga pa —
Bagamat nakahakbang na papalapit
Ang isang paa
Patungo sa mundo mo
At pilit na inaabot ko
Ang mga bulalakaw sa mga mata mo
Bakit di ko magawang yakapin nang buo
Ang apoy na nananaghoy mula sa iyo
Ang apoy na unti-unting tumutunaw
Sa nanlalamig kong pagkatao
Nasusunog ako
Gaano ko man ito lapitan
Napapaso ako —
Natatakot ako —
Ito ang totoo
Na baka sa tuluyan kong pagkapit sayo
Ay tuluyang matunaw ang sarili ko
Handa ka bang tanggapin
Ang natutunaw na ako
O mamasdan mo lamang ako
At iiwanan sapagkat tunaw na ako
Ano pa ang silbi ng iyong inaalay na apoy
Gusto kong maniwala 
Gustung gusto kong magtiwala
Pero ang hindi ko ngayon mapagtiwalaan
Ay ang sarili kong puso
Ito ay mga pasubali
Mga tanong
Na di mo maririnig sa aking bibig
Naghahanap —
Naghihintay —
Makasumpong ng sagot

Advertisements